Green, yellow, red, orange, gold at blue, ilan lamang sa mga kulay na nagbibigay buhay at sigla sa iba’t ibang bagay at aspeto ng kapaskuhan… kadalasan pangit ang husga sa walang masyadong kulay at matindi pa diyan tingin dito’y patay. Sa kabila ng ganitong impresyon sa totoo lang hangad parin ng marami ang Puting Pasko. Kakatuwa talaga ang tao. Pero kung iisipin, kung kulay nga ang Pasko, ano nga kaya ‘to?
Meron kayang ayaw ng White Christmas? Sabi nila’y, Paskong masaya, malaking bonus, may Christmas tree, maraming regalo at pagkain, kantahan, may snow, malamig at pamilyang nagdiriwang na may mainit na samahan. Idagdag mo pa ang mga batang ayaw magmimintis sa kanilang aginaldo. At sino’ng nag-iisa ang di naiinggit sa mga nagmamahalan?
Ngunit minsan, kahit na gaanong paghahangad at pagsisikap, bakit kinababagsakan parin ay ang Blue Christmas? Kung kailan naman magpapasko nu’n pa nawalan ng trabaho, nu’n pa nagkahiwalay, meron ngang mapagsasaluhan wala naman yo’ng gusto mong makasalo. Sa pamilyang may kanya-kanya nang lakad kahit wala ka mang pupuntahan iiwan mo rin ang tahanan, sino’ng gustong mag-solo’? Ito marahil ang malalim na hinagpis ng maraming magulang, ng maraming lolo at lola. Meron namang kumpleto ang pamilya, ang totoo, sobra pa nga! kaya lang mas ramdam ang kalam ng sikmura kaysa sa saya na sila ay magkakasama… nauuwi rin sa wala.
Party! Party! Parties! Sa sobrang enjoyment dito, maaaring Yellow Christmas na nga ito! At sa mga bumubuhos ang peso, dolyar at marami pang “suwerte” , sila marahil ang may Berde o Gintong Pasko. Bakit sila lang? – Ang umaalingawngaw na ungot! Minsan, maririnig mo rin ang inggit sa mga katagang,“ Sila lang ba ang anak ng diyos? ” Pusong may labis-labis na paghahangad ay kahungkagang napakahirap mapunan.
Sa bagay kung tutuusin, ang Pasko naman talaga ay bunga ng masidhing paghahangad ng isang Ama. Tama! Ang masidhing pagnanais na maipadama sa mga tao ang di masukat Niyang pagmamahal. Pambihirang Pag-ibig! Di nga ba’t ibinigay ng Ama ang nag-iisa niyang anak para sa ating kaligtasan. Habang ang mundo’y nagdiriwang sa pagsilang ng Tagapagligtas, ano kaya ang nararamdaman ng Ama na nakakaalam ng pasakit na tatanggapin ng kanyang Anak? At ng Anak na Siyang mag-aalay ng buhay para mabayaran ang ating kasalanan?
Emmanuel, ‘yan ang Kanyang Pangalan, gustong gusto ng Diyos na makapiling ang tao kahit sa mga pagkakataong lumalayo tayo. Pambihirang Pagmamahal! Lahat ay para sa’yo, para sa akin, para sa atin. Ito ang Pasko, Pula ang Pasko…, ang Kanyang paghihirap para sa ating kaginhawaan…., ang Kanyang pagsilang at kamatayan para tayo ay mabuhay ng masaya at kaigaigaya.
Salamat! Salamat! Salamat Ama! Walang humpay na pagpapasalamat at pagsamba ang dapat nating tugon sa Kanya at hindi ang makasariling mga hiling sa kaarawan Niya. Pula ang Pasko, hindi ipinagkait na pinadama ng Ama sa’yo ang kulay na ito upang maipadama mo rin sa mga taong naghahanap at nangangailangan ng Kulay Pasko. TARA MAGKULAY TAYO!