Sunday, June 22, 2008

ILAW


Inukit na yata sa matigas na bato,
Ang salitang "ina" amin ngang napagtanto,
Labis na ang hirap, sakripisyo't pasakit,
Ngunit patuloy lang, laban at pananalig.

Lumipas na, mga dekada't 'di mabilang na taon,
Pag-ibig nami'y, kailanma'y di naglaon.
Kaya salamat ng labis, aming Panginoon,
Una kang nagmahal, una kang tinugon.

Anumang hamon ng buhay ang sa ami'y ihampas,
Kami'y di magmamaliw, hindi rin kukupas.
Handang maghandog sa asawa't anak,
Maging luha, pawis o dugo man ang dumanak.

Wagi ngang tunay, ang lahat ng mga nanay,
Nananalig at nagsisilbi, sa isang Diyos na buhay.
Ngayo'y araw namin, batid taun-taon,
Asahang kami'y magsisipag at magpapatuloy.